Life

Si Iyang ay pangalawa sa apat na anak nina Rogelio at Violeta.  Meron syang nakatatandang kapatid na lalake, nakababatang kapatid na lalake at bunsong kapatid na babae.  Meron din siyang pamangking babae sa kanyang kuya.  At sila ang bumubuo ng munti niyang pamilya. :)
Wala pa syang asawa.  Wala ding jowa, syota, chuvaness, o boyfriend - ever. (Oo, since birth.  May problema?).  Wag mo nang itanong kung bakit, kung ayaw mong makulam.  Hahaba lang ang usapan.  Hindi naman siya mapili.  Wala naman siyang pagpipilian.  Hindi siya takot sa commitment.  Ayaw lang niyang pumasok sa isang relasyong hindi sya sigurado.  Hind siya pakipot.  Gusto lang niyang siguraduhing hindi nagayuma ang manliligaw niya.
Maaring ring hindi pa siya ready.  Hindi nya priority noon.  Wala siyang time.  Hindi pa nya nakikilala.
Maraming pwedeng dahilan.
Basta hindi sya tibo.
May mga nagpatibok na din ng puso niya noon at ngayon.  Yun lang hindi siya marunong lumandi.  Bayaan nyo, next year magpra-practice na siya.  Ayan, humaba tuloy ang usapan!  Basta hindi siya pusong-bato.  Period.

Wala man siyang boyfriend, marami naman siyang friends (pampalubag-loob ng mga walang jowa).   Hindi sya milyonarya, pero maswerte naman siya sa mga kaibigan.  Isa sa mga kaibigan niya ang tumulong sa kanyang mapadpad sa gitnang silangan.  At utang na loob niya dito kung ano man ang narating niya ngayon.

Kasalukayan siyang nagtratrabaho sa Gitnang Silangan - syudad ng Dubai.  Sa totoo lang, wala sa mga plano nya sa buhay ang pag-a-abroad.  Ni hindi nga sumagi sa isip nya noon, ang mag-abroad.  Kung tatanungin mo sya, hindi nya gugustuhing umalis sa kanyang bansang sinilangan.  May mga banat pa nga sya na: "Dito ako pinanganak, dito rin ako mamatay." (Jose Rizal, ikaw ba yan?).
Kaso nagbabago ang panahon, kaya pwede ding magbago ang isip ng tao.  At ito ang kwento kung paano nagbago ang weather ng utak niya:

Noong nag-aaral palang ako, umiikot lang ang buhay ko sa sarili ko.  Ang responsibilidad na tanging alam ko, eh, mag-aral ng mabuti at bigyan ng magandang grades ang mga magulang ko.  Sariling problema lang ang pinoproblema ko.  Kung paano mangopya.  Kung paano kumick-back sa tuition fee.  Kung paano tumakas sa bahay pag may overnight swimming.  Kung paano magsinungaling at magpalusot sa magulang.  Kung paano magpapansin sa crush.  Kung pano kulamin ang prof (haha. joke lang.).  Mga simpleng bagay na pinoproblema ng mga simpleng estudyante tulad ko.
Pero kapag nakapagtapos ka na, doon palang magsisimula ang totoong buhay.  Doon mo palang mae-encounter ang totoong problema.
Kung katulad mo kong may mabigat na responsibilidad, nabubuhay nang hindi lang para sa sarili nya. Madalas yung mga desisyon mo sa buhay, hindi lang naka-depende sayo, naka-depende din sa ibang bagay.  Minsan may mga bagay na hindi mo gustong gawin, pero kailangan mong gawin para sa mga taong mahalaga sayo. :)

Ang pagalis ang isa sa pinaka-mahirap, pinaka-mabigat, pinaka-malungkot at pinaka-shocking na desisyon na nagawa ko sa buhay.  Yung pagdedesisyon kong mag-aabroad ako, madali lang.  Para lang akong nag-decide na magbabakasyon.  Ang pag-iwan sa dalawpu't tatlong taong nakagisnan kong buhay, ang mahirap.  Ang ganong klaseng desisyon ay hindi madaling bitawan.  May kasamang mental at emotional torture.  Naramdaman ko ang bigat ng desisyon ko, nung malapit na akong umalis.  Nakakabaliw.  Parang may pabigat sa heart.  Naiisip ko pa lang na malalayo ako sa pamilya kong dalawpu't tatlong taon kong nakasama, nakakawindang na.
Ang nakakatawa, sila ang dahilan ng pagdedesisyon kong umalis.  Sila din ang pumipigil sakeng umalis.
Habang gusto kong mag-emote dahil sa nalalapit kong pag-alis, nagsasaya naman ang pamilya ko.  Kanya-kanya ng pabili at request ang mga kapatid ko.  Kanya-kanyang bilin at payo ang nanay't tatay ko.  Masaya sila para saken, feeling ata nila nanalo ako sa lotto.  Pangarap kasi ng nanay kong makapag-abroad.  Hindi lang daw siya nabigyan ng opportunity.  Ngayong may opportunity ako, gusto kong i-grab, para tuparin ang isa sa mga pangarap ng nanay ko na hindi niya nagawa.  Ang tatay ko naman, punong-puno siya ng expectations saken.  Masaya siya kasi alam nyang hindi ko pababayaan ang pag-aaral ng mga kapatid ko.  Kaya feeling ko nabawasan ko ang bigat ng responsibilidad ng magulang ko.  Iyon ang bagay na nagpapatibay ng desisyon ko.
Alam kong hindi rin naging madali sa pamilya kong payagan akong umalis.  Pero dahil ipinakita kong desidido ako, kaya hindi na sila nakapalag.  Kahit gusto kong umiyak, gusto kong sabihing ayokong umalis, gusto kong ipakitang malungkot ako.  Gusto kong magback-out.  Hindi ko magawa.  Kahit nakakangawit mameke ng ngiti't tawa at sobrang sakit sa lalamunan, pigilan ang luha.  Pinanindigan ko na.  Nagtapang-tapangan na ko.  Kapag nakita kasi nilang malungkot ako, siguradong malulungkot din sila.  At siyempre, doble ang balik saken.  Ang nanay ko pa naman pag nag-emote, todo drama.  Pag nagkataon, wala nang alisan, iyakan nalang buong araw. haha.

Hindi ko naman pinagsisihan ang pag-aabroad ko.  Hindi siya madali.  Ang daming nangyari sa buhay ko.  Maraming problemang dumaan.  Pero sa tulong ng mga taong nakilala ko, ng mga kaibigan ko, nalagpasan ko.  Naging matatag ako, at nananatiling nakatayo sa gitna ng disyerto (hahaha.).  Marami din akong natutunan.  At kahit papaano,  natulungan ko ang magulang ko, napapasaya ko ang pamilya ko.  Iyon ang isang bagay na nagpapasaya saken at ipinagmamalaki kong na-achieve ko. :)