Monday, 20 August 2012

Love-vise: Si Ex nagtext

Nagtatalo kami ng ka-roommate ko.  Paano daw kung yung ex ng boyfriend ko, mag-text sa kanya.  Magagalit daw ba ako?  Mabilis ang sagot ko, hindi.  Bigla namang naging 'high' ang ka-roommate ko.  Manhid daw ba ako?  Walang pakiramdam?  Ang mali ko, maiksi ang sagot ko. Nasermonan tuloy ako.
Kung siya daw kasi yung girlfriend, magagalit siya.  Natural lang daw na magseselos siya.  Hindi na daw dapat magkaroon ng communication sa isang Ex.  Dahil para sa kanya, past is past.  Kaya nga daw ex, ibig sabihin tapos na, wala ng dapat balikan.  Sa communication daw kasi nagsisimula ang iba't-ibang klase ng relasyon.  May possibility pang ma-rekindle ang dating feelings.
Ang relationship daw ay parang bahay.  Kailangan mong protektahan sa mga magnanakaw.  Pwede kang masalisihan kung basta-basta ka lang magtitiwala at magpapapasok ng kung sinu-sinong nilalang.  Saka kung mahal mo daw ang isang tao, dapat alagaan mo, proprotektahan mo.  Kaya daw nasisira ang isang relasyon ay dahil daw sa partner na pabaya, tulad ko.

Teka, pabaya?  Yun naman ang naging signal, na ako naman ang dapat rumatrat.  Kung maka-husga naman kasi siya, sagad.

May point naman siya. At uma-agree ako sa kanya sa maraming bagay.  Pero unang-una, ano ba ang text?  Syempre, depende sa text, kung 'I love you', wala ng tanong-tanong, giyera agad.  Pero kung isang simpleng text ng nangangamusta, bakit naman ako magagalit?  Hindi naman kasalanan ni Bf kung nakaalala at magtext si Ex.  Magseselos?  Siguro kung nagreply si Bf.  Pero kung nagtext lang naman si Ex at wala naman palang balak magreply si Bf.  Anong ipagseselos ko?  At kung magreply man si Bf, hindi ko ikakagalit.  Magseselos at magagalit lang ako kung insecure ako.  Kung hindi ako confident na ako lang ang mahal niya, na ako lang ang nasa puso nya.  Pero kung ipinapakita at ipinaparamdam naman ng partner mo na faithful sya, na loyal siya sayo, bakit mo ipagdadamot ang konting tiwala?
Agree din ako na, sa communication nagsisimula ang iba't ibang klase ng relasyon.  Pero hindi sa isang text o sa isang 'hi', 'hello' nagsisimula ang lahat.  Dahil kung ang isang party ay wala namang balak gawing regular ang communication nila, walang mabubuong mutual, one-sided lang.  Kaya anong dapat  mong ikabahala?  Sabi mo nga, past is past, kaya ikaw na si present at future.  Pero maliit lang ang mundo, hindi mo mapipigilan na magkrus ang landas ni Ex at ni Bf o mag-kamustahan ang dalawa.  Lalo na kung hindi naman sila bitter sa isa't isa.  Kung beyond 'hi', 'hello' o may nakikita kang unnecessary 'something' between them, don ka umapela.  Pero kung friendly gesture lang naman, manahimik ka.

Agree din ako na ang relationship ay parang bahay.  Pwedeng pasukin ng mga magnanakaw.  Pero may sariling isip ang bf mo, yan ang pinagkaiba niya sa mga kagamitan o materyal na bagay.  Hindi siya basta-basta papanakaw.  Kaya imbes na ma-praning ka kakabantay at kaka-suspetsa sa mga Ex o ibang babae, ubusin mo ang oras mo para pangalagaan ang relasyon niyo ng Bf mo.  Kasi kahit anong klaseng lock pa ang gamitin mo, kung yung taong nasa loob ay hindi napahalagahan o hindi ka na mahal.  Lalabas at lalabas yan.  Hindi na siya maghihintay ng magnanakaw, kusa na niyang ibibigay ang sarili niya sa iba.

Pabaya?  Hindi siguro.  Masyado lang akong trustful. 

Pero sabi nila, nakakamatay din ang overconfident.  Siguro nga.  Kasi may mga relationship na hindi parin nagwowork kahit todo effort ka na.  Pero hindi ibig sabihin, may pagkukulang ka o kasalanan mo.  Simple lang ang dahilan, hindi kayo ang para sa isa't-isa. :)

Sa haba ng litanya ko, ang nasabi lang ng ka-roommate ko ay: 'Bakit todo ka maka-react, may jowa ka?'
Buset. 
Nasupalpal ako dun ah. hahaha

Diary 2day: Couch Potato

Oo, tama ang sabi ng title, isa akong couch potato ngayong araw.  Ito ang huling araw ng mahabang holiday o ng Eid break dito sa middle east.  At dahil sobrang busy ang katawan ko ng mga nakaraang araw, ang gusto ko nalang gawin ngayon ay mahiga, kumain, matulog, kumain, mahiga at matulog uli.  Yan ang buhay ko ngayong araw.  Natapos ko na ang lahat ng korean drama na gusto kong panoorin.  Naubusan na rin ako ng movies.  Nabasa ko na lahat ng tsismis sa Pep, twitter at fb.  Kaya eto ako ngayon, nakaalalang bumisita sa aking blog.
Ang dami ko palang write ups na nakasave lang sa draft, mga hindi tapos. Sila ang ebidensya ng katamaran ng aking kulang-kulang na utak.  Infairness bigla akong sinipag magsulat uli, mukhang makikita nyo ko dito ng madalas.  Pero ngayon, matutulog muna ako. hahaha. :)